
Naglabas na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena kay Vice President Sara Duterte kasunod ng kanyang mga banta laban kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Margarita Gutierrez, idinala ng mga tauhan ng NBI ang kopya ng subpoena sa Office of the Vice President (OVP) para isilbi ito sa pangalawang pangulo kaugnay ng kanyang assasination threat laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Posibleng maharap si VP Duterte sa kasong libel, defamation, o grave threats dahil sa kanyang mga pahayag.
“According to legal experts natin, pwede s’ya masampahan ng libel, defamation, maaari rin grave threats dahil sa mga banta n’ya,” sabi ni Gutierrez.
Ikinokonsidera rin ng mga awtoridad ang paghahain ng disbarment laban sa bise presidente.
“At pinag-aaralan din yata ngayon ang pagsasampa ng disbarment laban kay VP Sara bilang s’ya ay isang abogado and it will be considered unethical ‘yung mga ginawa n’yang pagbabanta,” ani Gutierrez.
Pagtitiyak ni Gutierrez na ang naturang assassin ay agad na maaaresto kapag ito ay nakilala ng mga imbestigador.
Sa interview ng mga reporter, iginiit ni VP Duterte na hindi ‘active threat’ ang ‘conditional act of revenge’.
Binigyang diin ni VP Duterte, na ‘taken out of logical context’ ang kanyang pahayag.
“There is absolutely no flesh on the bone, and despite the absence of a reliable investigation, authorities were quick to consider this a national security concern,” sabi ni VP Duterte.
Kinuwestyon din ni VP Duterte ang Presidential Security Council (PSC) sa kanilang ‘pananahimik’ sa mga bantang kanyang natatanggap, kanyang pamilya, at OVP personnel.
“Presuming the PSC is still a non-partisan professional organization, why is the command eerily quiet on the documented threats to me, my family and OVP personnel. The silence is then proof that the inclusion of VPSPG in the PSC is clearly to undermine my security and nothing else,” sabi ni VP Duterte.
Para naman sa Philippine National Police (PNP), sinabi ni PNP Spokesperson Brigadier General Jean Fajardo, sinisilip ang mga posibleng applicable at relevant laws para sa violation, at ang nakatutok dito ay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay CIDG Director Police Brigadier General Nicolas Torre III na maaaring isampa ang reklamo sa ibang paraan o venue bukod sa criminal courts.
‘MASTERMIND’
Maituturing ng ‘self-confessed mastermind’ si VP Duterte dahil sa kanyang mga pahayag ukol sa tangkang pagpatay sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay DOJ Undersecretary Jesse Hermogenes Andres, ang premeditated plot para i-assasinate ang pangulo na idineklara ng isang self-confessed mastermind ay mahaharap sa legal na aksyon.
Sinabi ni Andres na hindi immune mula sa kaso ang bise presidente, at maaari siyang maharap sa criminal at administrative case.
Nagsagawa na rin aniya ang NBI ng initial investigation sa mga naunang pahayag ni VP Duterte. Hindi dapat binabalewala ito lalo na at nagbitaw na rin ng dating pahayag ang bise presidente na pupugutan ng ulo ang pangulo.
Bilang tugon, handa si VP Duterte na sagutin ang lahat ng tanong ng NBI.
META
Nakipag-ugnayan na ang NBI sa Facebook Meta na paingatan ang video ng late-night press conference ni VP Duterte kung saan binanggit niya ang pagkuha ng isang assassin para patayin si Pangulong Marcos, kapag siya ay pinatay.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, hindi nila mamaliitin ang pahayag ng bise presidente at nagsasagawa na sila ng motu proprio investigation.
Kinumpirma rin nila na hindi deep fake o gawa ng Artificial Intelligence (AI) ang viral video.
PAGBIBIGAY NG ENVELOP SA ILANG DEPED OFFICIALS
Inamin ng dating opisyal ng Department of Education (DepEd) at ngayon ay executive ng OVP na si Eduard Fajarda na nagbibigay sila ng cash sa piling opisyal ng kagawaran, sa ilalim ng direktang utos ni VP Duterte na nagsilbing kalihim ng kagawaran mula June 30, 2022 hanggang July 19, 2024.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kinuwestyon ni House Assistant Majority Leader Tingog Party-list Representative Jude Acidre si Fajarda na dating DepEd Special Disbursing Officer (SDO) sa pamamahagi ng cash envelops sa DepEd officials.
Nilinaw ni Fajarda na ang utos ay galing mismo kay Duterte, at hindi mula sa kanyang mga intermediaries, at ang pera ay ibinigay mismo sa kanya ni Duterte.
Ang mga naturang envelopes ay ipinamahagi sa DepEd Superintendents, bagamat hindi nakatanggap ang lahat, sinabi ni Fajarda na ang mga recipients ay pinili batay sa bank account details.
Ipinakita ni Acidre kay Fajarda ang mga screenshots at affidavits, kung saan may malawak na grupo ng DepEd officials, partikular sa region 7 ang kinontak at hiningan.
Nang itanong kay Fajarda kung saan nanggagaling ang pera, sagot lamang niya ay nanggaling ito mismo kay VP Duterte.
Ang paglalahad na ito ay sinundan ng mga rebelasyon mula sa apat na dating DepEd Officials – sian dating Undersecretary Gloria Mercado, Chief Accountant Rhunna Catalan, dating Bids and Awards Committee Chairperson Resty Osias, at dating Undersecretary at Vice President Spokesperson Michael Poa – na umaming nakatanggap din ng envelopes mula kay Duterte.
Naungkat din sa pagdinig ang iregularidad sa distribution process. Dito ay inamin ni Fajarda na ipinadala ang pera direkta sa personal accounts ng ilang DepEd Officials.
Idinipensa naman ni Fajarda ang ilang distribusyon ng funds. Aniya, napansin ng bise presidente na ilang superintendents ay ginagamit ang kanilang personal na pera para sa mga office-related expenses.
Ang House Panel ang nag-iimbestiga sa P612.5 million confidential and intelligence funds (CIFs) ng OVP at DepEd.
VMMC
Bukod kay OVP Chief of Staff Zuleika Lopez, isinugod din sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City ang tatlong aide ni VP Duterte dahil sa anxiety attacks.
Si Lopez ay naka-confine sa VMMC matapos makaranas ng panic attack noong Nobyembre 23, at kasalukuyang ginagamot para sa Acute Stress Disorder.
Sa pagharap nila sa pagdinig sa naturang panel, nangailangan din ng medikal na atensyon ang isang nagngangalang ‘Nicole’ at si OVP Special Disbursement Officer Gina Acosta.
Sumipa ang altapresyon ni Acosta noong pagdinig at nawalan ng malay. Sumailalim siya sa CT Scan at naka-confine na sa ospital.
Inilahad ng OVP officer sa pagdinig na nag-turn over siya ng P125 million na halaga ng confidential funds ng OVP sa isang nagngangalang ‘Colonel Lachica’, ang pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Ani Acosta, binigyan siya ni VP Duterte ng go-signal para iturn-over ang confidential funds noong 2022 sa military officer.
Idinagdag pa ni Acosta, katiwa-tiwala umano si Lachica dahil mayroon itong buong tiwala at kumpiyansa mula sa bise presidente.
Dito ipinunto ni Batangas Congresswoman Gerville Luistro na sa ilalim ng Presidential Decree 1445 na ang disbursing officer ay hindi maaaring i-delegate ang kanyang function, taliwas sa ginawa ni Acosta sa P125 million.
Aniya, ang naturang disbursement ng public funds ay unauthorized at maaaring maharap ng malversation of public funds due to negligence si Acosta. Bagamat batid niya ito, sumusunod lamang siya sa utos ni VP Duterte.
Samantala, si ‘Nicole’ ay nakaranas ng pinagsamang asthma at panic attack.
Hindi malinaw kung ano ang designation ng ‘Nicole’ sa OVP.
Samantala, pinalawig ng House panel ang contempt at detention order kay Lopez mula lima patungong 10 araw. Pero para sa bise presidente, ‘ilegal’ ang naturang extension.
Hindi aniya dapat pinaparusahan si Lopez hinggil sa resignation ng mga opisyal dahil ang approval ng resignation ay nasa desisyon
ng Punong Ehekutibo.
Giit pa ni VP Duterte, dapat kinukwestyon ng House members ang pangulo na siyang appointing authority para sa mga undersecretaries at assistant secretaries.
Hindi rin umiiwas si Lopez sa mga tanong patungkol sa confidential funds dahil wala naman siyang alam ukol dito.
Dito ay sinabihan ang bise presidente ni Antipolo Congressman Romeo Acop na magtungo sa korte para sa legal remedy.
IMPEACHMENT
Wala pang tinatalakay ang mga mambabatas ukol sa posibleng impeachment laban kay VP Duterte kasunod ng mga pahayag na bantang pagpapapatay sa pangulo, kapag siya ay pinatay.
Ayon kay Panel Chairperson, Manila Representative Joseph Chua, patuloy lamang ang kanilang trabaho at paghimay ng isyu sa paggamit ng pondo ng OVP at DepEd sa pagdinig.
Malalaman ang mga susunod na hakbang kapag natapos na ang pagdinig.
Sa naging pagdinig, nadiskubre ang pagsusumite ng OVP ng acknowledgement receipts o proof of payment ng confidential fund na may maling petsa, na may kahinahinala o kaduda-dudang mga pangalan. Pagsusumite ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni VP Duterte ng military certifications para i-justify ang confidential funds na ginamit na hindi batid ng militar. Pag-utos ni Duterte sa Special Disbursing Officer (SDO) para i-disburse ang confidential fund sa military officer, na labag sa batas. Pamamahagi ni Duterte ng pera sa kanyang subordinates.
HARRY ROQUE
Nakatanggap din ang NBI ng hindi pa nakukumpirmang impormasyon na nakaalis na sa Pilipinas si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay NBI Director Santiago, natanggap nila ang naturang impormasyon pero hindi pa nila ito kinukumpirma.
Si Roque ay ipina-cite in contempt at ipinadedetine ng Kamara partikular ng Quad Committee noong Setyembre 13 dahil sa kabiguang pagpapasa ng dokumento na magpapaliwanag sana sa kanyang biglang paglobo ng kanyang yaman.
- Bea Alonzo denies pregnancy rumors: ‘Glowing, not expecting’
- Sorsogon Sets Guinness World Record for World’s Largest Nut Brittle
- More Pinoys feeling stressed, especially in Metro Manila
- Earthquakes stronger than 6.4 mark new seismic events
- Quick response teams start clearing quake-affected roads in Davao
Leave a comment