
MANILA – Pinag-aaralan ngayon ng Social Security System (SSS) ang posibleng pagpapatupad ng loan moratorium at penalty condonation program upang mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga miyembro at employer sa gitna ng patuloy na hamon sa ekonomiya.
Sa isang pahayag noong Linggo, sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer na si Robert Joseph de Claro na layunin ng mga panukalang hakbang na magbigay ng agarang tulong at matiyak ang tuloy-tuloy na access sa mga benepisyo, habang kinakaharap ng pamahalaan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
“Kinikilala namin ang mga paghihirap na dinaranas ng maraming Pilipino,” ani de Claro.
Sa ilalim ng panukala, pinag-aaralan ng SSS ang pagpapahintulot sa mga miyembro na pansamantalang ipagpaliban ang pagbabayad ng kanilang mga loan. Samantala, maaaring bigyan ang mga employer ng condonation o pagpapatawad sa penalties na dulot ng pagkaantala sa pagbabayad ng kontribusyon.
Isinasaalang-alang din ng ahensya ang pagpapalawig ng mga deadline sa pagbabayad ng kontribusyon para sa mga employer at individual paying members upang mabigyan sila ng karagdagang palugit.
Ang hakbang na ito ay kasabay ng pagpapatupad ng pamahalaan ng iba pang programa upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang ekonomiya, kabilang ang pagbibigay ng subsidiya sa ilang sektor at mga pagsisikap na mapanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Nanatiling nakatuon ang SSS sa pangangalaga sa kapakanan ng mahigit 40 milyong miyembro nito. Pinabibilis namin ang internal review at konsultasyon sa iba’t ibang stakeholder upang agad na maipatupad ang mga programang ito, habang pinangangalagaan ang pangmatagalang katatagan ng pondo ng SSS,” dagdag ni de Claro.
Patuloy rin ang ahensya sa pagpapatupad ng mga digital initiatives upang mapadali ang mga proseso at mabawasan ang compliance burden ng mga miyembro at employer.
Ayon sa SSS, iaanunsyo ang karagdagang detalye ng mga panukalang programa sa oras na ito ay pinal na.
Leave a comment