
Camarines Sur — Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga kagamitang medikal, isang pamilya sa Camarines Sur ang napilitang gumawa ng kakaibang paraan upang matulungan ang kanilang amang may karamdaman na makahinga.
Gamit lamang ang mga karaniwang gamit sa bahay tulad ng timba at clip fan, nakabuo ang magkakapatid ng isang improvised na setup na nagsisilbing pansamantalang tulong sa paghinga ng kanilang ama.
Ayon sa pamilya, bagamat sampu silang magkakapatid, hindi pa rin sapat ang kanilang kakayahan upang makabili ng mamahaling medical equipment na kinakailangan para sa kondisyon ng kanilang ama.
Ang nasabing ama, na dati umanong isang karpintero, ay kasalukuyang nakikipaglaban sa komplikasyon sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Sa kabila nito, nananatili siyang umaasa na matupad ang kanyang panata ngayong panahon ng Kuwaresma.
Samantala, umaapela ang pamilya ng tulong mula sa mga kinauukulan at sa mga may mabuting kalooban upang matustusan ang pangangailangang medikal ng kanilang ama.
Leave a comment