Mga Eskwelahan sa Maguindanao, sinunog



MANILA, Philippines — Tatlong paaralan ang sinunog ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa magkahiwalay na insidente sa lalawigan ng Maguindanao at Lanao del Norte, base sa ulat na nakarating sa Commission on Elections (Comelec).

Nabatid na ala-1:50 ng madaling araw nang maganap ang sunog sa may Ruminimbang Elementary School sa may Brgy. Ruminimbang, Barira, Maguindanao.

Tuluyang nasunog ang ilang silid-aralan mula Grade 1 hanggang Grade 4 ng naturang paaralan. Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.

Ayon sa Comelec, nasa “red category” o “election area with grave concern” ang Brgy. Ruminimbang at posibleng may kaugnayan ang panununog sa darating na BSKE 2023. Gagamitin ang naturang paaralan bilang polling precinct sa Oktubre 30.

Nasunog din ang Dalican Pilot Elementary School sa may Poblacion, Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur dakong alas-4 ng madaling araw kahapon.

Binuhusan umano ng tatlong galon ng gasolina ang mga gusali ng mga salarin dahilan para tuluyang matupok ang dalawang silid-aralan at isang school canteen.

Sa isa pang ulat, alas-2 ng madaling araw nang sumiklab naman ang apoy sa Poorna Piagapo Central Elementary School sa may Old Poblacion, Poona Piagapo, Lanao del Norte.

Isang silid-aralan ang tuluyang natupok sa insidente. Patuloy ring iniimbestigahan ang pangyayari upang mabatid kung may kaugnayan din sa halalan ang sunog.


THINKED TV Avatar

Posted by

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started